Pages

Saturday, August 10, 2013

It's the Random Weekend: Buwan ng Wika (Language Month)

Ako ay Pilipino, bagama't ang blog na ito ay malimit na nakasulat sa Ingles, ngayong buwan ng wika ay magaalay ako ng isang artikulo na nakasulat gamit ang Filipino. Noong tayo'y mga bata pa sa elementarya, halos kada buwan ay may selebrasyon at mayroong mga aktibidades na ginagawa para sa mga estudyante. Kadalasan ay may mga sayawan, kantahan, at palaruan. Hinding-hindi naman makakalimutan ng bawat paaralan ang Buwan ng Wika dahil ito'y isang selebrasyon na alay sa ating wikang Filipino. Ang buwan ng Agosto ang tinaguriang buwan ng wika at sa buwan na ito ay hinihikayat ng bawat paaralan na gamitin at isapuso ang ating wika. Kadalasan kasi sa mga eskwelahan ay hinihikayat na magsalita ng Ingles ang mga estudyante kaya nama't tuwing Agosto ay nagkakaroon ng selebrasyon ng wikang Filipino.

Sa mga panahon na ganito, na tapos na sa kolehiyo, o kahit sa kolehiyo pa lamang ay hindi na madalas ang selebrasyon na alay sa wikang Filipino. Ang kasaysayan pa nga ng Pilipinas ay kalimitang itinuturo gamit ang wikang Ingles. Samakatuwid, hindi na natin gaano nabibigyang importansya ang ating wika. Kahit na sabihin nating Filipino pa rin ang ating gamit sa pananalita sa pang-araw-araw, madalas nating gamitin ang mga salitang Ingles kaysa sa wikang Filipino. Iba pa rin ang pagiging dedikado sa pananalita o sa pagsulat sa wikang Filipino na kahit na minsan ay may halong ibang lenggwahe ay nararamdaman pa rin na Filipino ang pananalita ng isang tao. Sa katunayan nga ay ilang beses na akong gumamit ng Google Translate upang siguraduhin na ang mga kahulugan ng mga ginagamit kong salita ay tama at nasa ayos. Minsan nama'y hindi ko talaga maalala kung ano ang Filipino ng salitang Ingles na aking gustong gamitin. 

Ano ba ang gusto kong patunayan sa pagsulat ng artikulong ito? Ang nais ko lang naman ay maipamahagi at maipaalala sa ibang taong nakakabasa ng artikulong ito na huwag natin kalimutan ang ating sariling wika sa kabila ng ating pagmamahal at pagtangkilik sa mga bagay bagay na galing ibang bansa. Kahit na ako'y mahilig sa mga bagay na Hapon o Koreano, hindi ko maipagkakaila na mahal ko pa rin ang aking bansa. Kahit na hindi ako nasisiyahan sa mga nangyayari dito sa Pilipinas, naiintindihan ko ito dahil ang bawat bansa ay may kanya-kanyang suliranin at mas mabuti nang hindi tayo kuntento sa nangyayari dahil patuloy nating gagawan ng paraan at patuloy tayong magsisikap para sa kaunlaran at kagandahan ng ating bansa.


Para Kay B ni Ricky Lee

Isang pagsasabuhay ng aking paglalaan ng panahon para sa ating bansa at sa Buwan ng Wika, bagama't maliit lamang, ay ang aking pagtangkilik sa isang lokal na manunulat na si Ricky Lee. Aking binabasa ang kanyang nobela na "Para Kay B." Hindi ko pa ito natatapos ngunit base sa aking mga nabasa na, ito'y nakakatuwa at nagpapalawak ito ng kaisipan hindi lamang ukol sa pag-ibig pati na rin sa buhay. Natutuwa ako na may mga ganito pang mga aklat na nakasulat sa Filipino. Sana ay patuloy pa ang pagsusulat ng mga awtor sa wikang Filipino at patuloy natin pang tangkilikin ito.

No comments:

Post a Comment